Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi maaapektuhan ang libu-libong contractual at job order employee’s ng ahensya ng ipapatupad na Executive Order 138 o full devolution ng mga programa ng National government sa Local Government Unit (LGUs).
Ito ang ipinarating na commitment ng ahensya sa gitna ng budget deliberation ng DSWD matapos na tanungin ni Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite kung ilang mga empleyado ang maapektuhan ng devolution lalo pa’t ang DSWD ang pinakaapektado rito dahil maraming programa ng ahensya ang ililipat na sa mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Appropriations Vice Chair Jocelyn Limkaichong, sponsor ng DSWD 2022 budget, aabot sa 4,556 na mga personnel ang apektado ng full devolution kung saan 3,837 dito ay contractuals habang 290 naman ang job orders.
Magkagayunman, tiniyak ni Limkaichong sa Kamara na walang transfer at termination na magaganap hanggang 2023 sa mahigit apat na libong empleyadong apektado ng devolution.
Paliwanag ng kongresista, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na rin ang nagbigay ng katiyakang ito dahil mayroon pa namang transition period bago ang full devolution sa 2024.
Tutulungan naman ng DSWD ang mga empleyado na habang nasa transitory period ng devolution ay mabigyan ng assistance ang mga ito hanggang sa makapag-apply sa ibang posisyon o departamento at maiprayoridad sa mga posisyon sa LGUs.