Libu-libong residente sa Cagayan, nananawagan nang ma-rescue matapos ma-trap sa kanilang mga bahay dahil sa malawakang pagbaha

Maraming residente na ang nanawagan ng tulong matapos ma-trap sa mga bubungan ng kanilang mga bahay dahil sa malawakang pagbaha sa lalawigan ng Cagayan.

Ilang residente ng Bayan ng Solana ay natutulog na sa mga bubong dahil halos malulubog na sa baha ang kanilang mga bahay.

Ayon sa Cagayan Provincial Information Office, nagpagkalat na sila ng rescuers sa bayan para sagipin ang mga na-trap na residente.


Sinabi ni Cagayan Governor Manuel Mamba, 24 sa 29 na lugar sa lalawigan ang binaha dahil sa pananalasa ng Bagyong Ulysses at higit 13,000 pamilya o 47,000 na residente ng lalawigan ang apektado.

Aniya, lumala ang kanilang pagbaha dahil sa pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam kung saan tumaas ang water level sa Cagayan River.

Sinabi naman ni Cagayan PDRRMO Colonel Ascio Macalan, lahat ng bayan na katabi ng ilog ay baha na tila parang ‘Pacific Ocean.’

Iniulat naman ni Tuguegarao Mayor Jefferson Soriano na 39 na barangay sa lungsod ang lubog sa baha.

Itinuturing nila itong pinakamalalang pagbaha na kanilang naranasan mula pa noong 1972.

Sinabi naman ni Lallo Mayor Florence Oliver Pascual, nasa 2,600 na pamilya o 8,000 katao ang na-trap sa kanilang mga bahay dahil sa pagbaha.

Nasa 21 barangay ng lungsod ng lubog sa baha.

Nananawagan sila ng pagkain at medisina para sa mga apektadong pamilya.

Nasa 2,500 residents ang nasa evacuation center

Facebook Comments