Sa susunod na taon na isasagawa ng Professional Regulation Commission (PRC) ang mga nakatakda sanang licensure examinations nitong buwan ng Hunyo hanggang Agosto.
Ito’y dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa sa pagharap sa banta sa COVID-19 kung saan pinalawig pa ng pamahalaan ang pagpapatupad ng community quarantine.
Sa abiso pa ng PRC, hangad din nila na masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng mga kukuha ng exam, mga miyembro ng Professional Regulatory Boards (PRBs) at mga examination personnel.
Kabilang sa mga ire-reschedule na licensure examinations sa susunod na taon ay ang environmental planners, guidance counselors, interior designers, landscape architects, mining engineers, nutritionists-dietitians, psychologists, psychometricians, social workers, veterinarians, master plumbers, mechanical engineers, certified plant mechanics, medical technologists, occupational therapists, physical therapists at sanitary engineers.
Ang petsa ng licensure exam gayundin ang schedule ay makikita sa website ng PRC at sa kanilang social media accounts.
Sakali naman may katanungan hinggil sa pagpapaliban ng nasabing exam, maaaring magpadala ng email sa PRC via licensure.office@prc.gov.ph at licensure.division@prc.gov.ph.