Lider ng Abu Sayyaf, nailipat na sa PNP custodial center

Nailipat na sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Kampo Krame ang Abu Sayaff Group (ASG) Leader na si Anduljihad “Indang” Susukan.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier Gen. Bernard Banac, lumapag ang eroplanong sinasakyan ni Susukan at asawa nitong si Nafrisa sa Clark International Airport alas-10:30 Biyernes ng gabi mula sa Davao City.

Agad dinala si Susukan sa Kampo Krame kung saan sumailalim ito sa booking procedure at medical check-up bago ipinasok sa Custodial Center.


Mananatili sa PNP Custodial Center si Susukan habang hinihintay ang desisyon ng korte na may hawak sa kaso nito kung saan siya ikukuklong.

Magugunitang Huwebes ng gabi nang isuko ni Moro National Liberation Front (MNLF) Founding Chairman Nur Misuari si Susukan sa Davao City-PNP.

Nahaharap si Susukan sa 23 kaso ng murder, limang kaso ng kidnapping and serious illegal detention at anim na kaso ng frustrated murder.

Facebook Comments