Cauayan City, Isabela- Idineklarang persona non-grata ng mga residente sa Sitio Villa Corazon, Brgy. Manano, Mallig, Isabela ang lider ng Danggayan Dagiti Mannalon ti Cagayan Valley o DAGAMI na si Cita Managuelod.
Isang libong residente na nakatira sa nasabing lugar ang nakiisa at pumirma sa isang resolusyon upang itakwil sa kanilang lugar ang kilalang opisyal ng DAGAMI maging sa CPP-NPA-NDF.
Personal itong sinaksihan ng mga matataas na opisyal gaya nina Brigadier General Danilo Benavidez, Brigade Commander of 502nd Brigade, Philippine Army; Police Colonel Romaldo Bayting, Deputy Regional Director for Operations ng Police Regional Office 2; Police Colonel James Cipriano, ang Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office; Police Major Clarence Labasan, hepe ng PNP Mallig at mga opisyal ng lokal na pamahalaan.
Pinangunahan naman ito ng kanilang alkalde na si Mayor Jose Calderon kasama ang SK Federation at mga kasapi nito maging ang mga opisyal ng barangay Manano.
Ayon naman panauhing pandangal na dating kadre at kalihim ng New People’s Army (NPA) na si Ivy Lyn Corpin, ibinahagi nito ang personal na karanasan habang nasa loob ng kilusan at binalaan ang mga residente kaugnay sa ginagawang panghihikayat at panlilinlang ng mga komunistang grupo.
Samantala, kasabay ng pagdeklara ng persona non grata sa CPP-NPA ay nagsagawa rin ng medical at dental mission at feeding ang pulisya katuwang ang Federation of Citizens Crime Watch -Special Task Force (FCCW-STF) sa pangunguna ni Ginoong Jess Zambrano, Vice President, Regional Chapter.
Umaabot naman sa 1,080 benepisyaryo ang sumailalim sa eye check-up; medical and dental check-up; gupit, at circumcision.
Mayroon din 250 na gift packs ang ipinamahagi sa mga piling mahihirap na pamilya sa nasabing lugar.