Lider ng gun-for-hire group at kasamahan, patay sa engkwentro sa PNP-HPG sa Pampanga

115

Nasawi sa pakikipagbarilan sa mga tauhan ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang lider ng isang gun-for-hire syndicate at ang kanyang kasama sa Bacolor, Pampanga.

Ayon kay HPG Director Pol. Brig. Gen. Alexander Tagum, ang kinilalang dalawang nasawing suspek na sina Harry Mandahay ng Purok 5 Pandaquequi, Hacienda, Pampanga, leader ng Mandahay gun-for-hire group; at Jeffrey Langilao Diamada ng Tangle, Mexico, Pampanga, driver ni Mandahay at miyembro ng sindikato.


Ang dalawa ay naharang habang sakay ng brown na Toyota Corolla Altis ng mga tauhan ng HPG Special Operations Division at Bacolor MPS sa kahabaan ng River Control Road sa Brgy. Cabetican, Bacolor kaninang pasado alas-2:00 ng madaling araw.

Pagbaba ng sasakyan ng dalawa ay bigla nalang pinaputukan ng mga ito ang mga pulis, hanggang sa nagkaroon ng palitan ng putok na ikinasawi ng mga suspek.

Nakuha sa mga suspek ang kanilang gamit na sasakyan na nakapangalan sa ibang tao at may “hold-order”; isang 45-caliber pistol, isang 38 cal. revolver, mga bala at apat na sachet ng pinaghihinalaang shabu.

Facebook Comments