Cauayan City, Isabela- Biktima umano ng tanim-ebidensya ang Chairperson ng Anakpawis Cagayan at lider ng magsasaka na si Calixto Cabildo matapos ang iligal umanong pagkaaresto sa kanya ng mga otoridad nitong miyerkules, March 24.
Sa pahayag ng Taripnong Cagayan Valley, ilang beses umanong pinuntahan si Cabildo sa kanyang bahay ng mga intelligence officer at makailang beses rin na idinawit sa red-tagging at tinakot pa umano ng mga pulis at sinabing linisin ang kanyang pangalan at sumuko nalang.
Taong October 2020, dalawang (2) beses umano itong pinipilit na magreport sa Cagayan PPO upang linisin ang pangalan dahil kasama ito sa listahan ng mga kasapi ng milisyang bayan.
Isang pinangalanang Kenneth Javier at Eduard Andres ang kumausap umano kay Cabildo ngunit hindi ito sumama dahil wala umanong katotohanan ang ibinibintang laban sa kanya.
Kaugnay nito, iligal umanong pinasok ng mga otoridad ang kanyang bahay na armado umano ang dalawa sa mga ito at ilang saglit pa ay dumating ang dalawang opisyal ng barangay kasama ang mga kasapi ng CIDG at hinalughog ang kanyang bahay madaling araw ng miyerkules.
Dahil dito, kaagad umanong iginapos si Cabildo dahil sa nakitang baril at granada sa loob ng isang kwarto subalit malinaw umano na planted ang mga nakuhang gamit sa kanyang bahay na sinasabing ginagawa umano ng mga otoridad sa iba pang lider ng magsasaka.
Ayon pa sa pahayag ng grupo,hindi kailanman mapipigilan ng Administrasyong Duterte ang pagkontra ng mga mamamayan sa tunay na repormang agraryo kahit na hulihin man o patayin ang mga lider ng aktibista dahil mas titindi pa umano ang kanilang panawagan sa gobyerno para sa tunay na kalayaan.