Cauayan City, Isabela- Boluntaryong sumuko sa himpilan ng 95th Infantry Battalion sa bayan ng San Mariano, Isabela ang isang (1) dating lider ng New People’s Army at tatlong (3) militia ng bayan.
Sa ibinahaging impormasyon ni Lt Col. Gladiuz Calilan, Commanding Officer ng 95th IB, naisipang magbalik loob sa gobyerno ng dating lider ng NPA matapos na mabasa ang mga testamento ng mga kasamahang naunang sumuko sa leaflets na inihuhulog ng militar at Tactical Operations Group 02 (TOG2).
Naglakas loob itong sumuko nang mabatid na puro kasinungalingan ang sinasabi ng kanilang mga kadre na sila ay sasaktan kung magbabalik-loob sila sa gobyerno.
Sumuko rin sa 95th IB ang tatlong gerilya o Milisyang Bayan.
Isinuko rin ng mga ito ang mga dala-dalang armas na isang M16 rifle, dalawang Cal .38 pistol, isang Night Vision Monocular, isang Portable Electric Generator at iba pang gamit ng NPA sa bayan ng San Mariano.
Kaugnay nito, ipapasok ng 95th IB sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng gobyerno ang mga nagbalik-loob na mga dating rebelde para sa kanilang pagbabagong buhay.
Nananawagan pa rin si LTC Calilan sa mga naiwan pang rebelde at milisyang bayan na huwag nang magpalinlang sa mga kadre at magbalik-loob na rin sa pamahalaan.