Manila, Philippines – Inamin mismo ng liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na maluwag ang batas ng bansa kaugnay sa paglaban sa terorismo.
Ang pahayag ng AFP at PNP ay ginawa matapos ang pahayag ni Russel Salic, na ang Pilipinas ay isang ‘breeding ground’ ng mga terorista.
Si Salic ay ang pinoy na kinasuhan sa Estados Unidos matapos ang tangkang terror attack sa New York City.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Eduardo Año, sobra ang ‘democratic space’ sa Pilipinas dahilan para samantalahin ito ng mga terorista at ibang criminal groups.
Paliwanag niya, sa ibang bansa katulad ng US, Singapore, Malaysia at Australia ay mahigpit ang pagpapatupad ng internal security act kaya hindi basta basta nakakalusot ang mga terorista.
Mayroon din daw ang mga bansang na special provision sa kanilang batas na pwedeng arestuhin ang isang kahinahinalang tao base sa impormasyon na nakuha at special court ang didinig sa kaso nito.
Isinisisi naman ni PNP chief Ronald Dela Rosa, sa kawalan ng aksyon ng mga mambabatas sa paglikha ng batas katulad ng pagpasa sa National ID System.
Maging ang regulasyon sa mga telecommunication company kung saan gusto niyang maging postpaid na lamang ang sim sa Pilipinas para mas madaling matukoy ang isang indibidwal na nakagawa ng krimen.