Nakahanda ang liderato ng Kamara para sa gagawing imbestigasyon sa mga myembro ng Mababang Kapulungan na idinadawit sa korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Speaker Lord Allan Velasco, suportado nila ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa malawakang imbestigasyon sa mga alegasyon ng katiwalian sa buong gobyerno.
Sinabi ni Velasco na naintindihan nila sa Kamara ang frustration ng Pangulo laban sa talamak na korapsyon sa pamahalaan at nakikiisa ang House leadership sa pagnanais na buwagin ang mga tiwaling opisyal at empleyado sa burukrasya.
Bagama’t ikinalulungkot nila na ilang mga kongresista at ang buong institusyon ay nakakaladkad sa kontrobersiya, makakabuti na rin na siyasatin ito ng ibang ahensya ng gobyerno dahil kung sila sa Mababang Kapulungan ang gagawa nito ay magiging self-serving para sa kanila at pagdududahan lamang ang imbestigasyon.