Manila, Philippines – Binigyang diin ni House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi kailanman magiging “rubberstamp” o sunud-sunuran sa gusto ng Malacañang ang 18th Congress.
Ayon kay Cayetano, hindi perpekto ang National Expenditure Program ng gobyerno kaya maaari pang mabago ang detalye nito.
Paglilinaw ni Cayetano, bagamat kaisa sila ng administrasyong Duterte sa pagbabago ay hindi maiiwasang magkaroon ng pagkakaiba sa mga pananaw at ideya.
Hiniling rin niya sa economic managers ang respeto tulad ng kanilang paggalang sa executive department.
Inihalimbawa ng Speaker ang ulat na 60% ng railway funds sa 2020 ay gugugulin lamang sa Metro Manila.
Nais umano ng Kamara ang pantay-pantay na implementasyon ng Build, Build, Build Program sa Luzon, Visayas at Mindanao at ito ay dapat na tingnan din ng mga economic managers.