Tiniyak ni House Speaker Lord Allan Velasco ang pagpapatibay sa mga panukala na prayoridad ngayong pagbubukas sesyon ng third regular session ng 18th Congress.
Ang lima sa mga panukala na prayoridad na maaprubahan ay kabilang sa mga tinukoy ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Ito ay ang pagtatatag ng Philippine Virology Institute Act, Center for Disease Control Act, pag-amyenda sa Continuing Professional Development Act of 2016, Bureau of Immigration Modernization Act, at National Housing Development Act.
Ayon kay Velasco, tatrabahuin nila agad ang pagpapatibay sa mga panukala sa muling pagbabalik sesyon ng Kongreso at isasama rin sa agad na aaprubahan ng Kamara ang mga priority measures na babanggitin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang SONA.
Dagdag pa ng House speaker, gagawin ng Kamara ang lahat ng makakaya upang matulungan ang presidente sa pagtupad sa kaniyang mga pangako sa sambayanang Pilipino.
Ipinagmalaki pa ng liderato ng Kamara na tulad noong nakaraang SONA ay nagawa ng Kamara na maaprubahan agad ang mga priority measures na ganap ng batas ngayon, kabilang dito ang Corporate Recovery and Tax Incentive for Enterprises (CREATE) Act, Financial Institutions Strategic Transfer o FIST Act, Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act, at Bayanihan to Recover as One Act or Bayanihan 2.