Pinapurihan ng Commission on Human Rights ang liderato ng Quezon City dahil sa pamimigay ng gadget at internet connection.
Ito’y upang masurportahan ang blended learning ng mga estudyante at guro sa gitna ng pandemya sa COVID-19.
Ayon kay Commission on Human Rights (CHR) Spokesman Atty. Jacqueline de Guia, malaking tulong ito para sa mga estudyante at guro na parehong kinakapa pa ang new normal of education.
Sinabi ni de Guia, maraming hikahos na pamilya ang walang kakayahang bumili ng laptop, tablet, at internet provision dahil sa kakapusan sa pera lalo na ngayong may pandemya.
Una nang namahagi ang Quezon City Local Government Unit (LGU) ng 176,000 na gadget at mga sim card.
Maliban sa QC, pinuri rin ng CHR ang Pasig at Maynila na gumawa ng katulad na hakbang.
Umaasa naman ang CHR na mas marami pang LGU ang gagaya at mamimigay ng gadget.