Liderato ng Senado, hindi makikialam sa liderato ng Kamara kaugnay sa planong impeachment kay VP Leni

Manila, Philippines – Walang plano si Senate President Koko Pimentel na kausapin si House Speaker Pantaleon Alvarez kaugnay sa plano nitong paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Leni Robredo.

 

Ito ayon kay Pimentel ay sa kabila ng panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag ng huwag ituloy ang impeachment proceedings laban sa Ikalawang Pangulo.

 

Sabi ni Pimentel, hindi niya pakikialaman si Alvarez na nagsabing desidido pa rin siyang pag-aralan ang paghahain ng impeachment complaint laban kay Robredo.

 

Ipinaliwanag ni Pimentel, na sa impeachment proceedings, ay tumatayong judge ang mga senador at prosecutor naman ang mga congressman.

 

Kaya punto ni Pimentel, katulad ng mga huwes sa regular court, ay hindi naman ng mga ito hinihimok ang sinuman o ang prosecutor na maghain ng kaso, dahil nirerespeto nila ang code of judicial conduct.

 

Kung sakali man aniyang dumating sa Senado ang impeachment complaint, ay walang magagawa ang mga senador kundi umaksyon at mag-labas ng desisyon base sa argumento at ebidensya ng respondent at prosecution.

 

Samantala, nilinaw naman ni Pimentel na walang stand o posisyon ang pinamumunuan niyang PDP Laban kaugnay sa planong impeachment laban sa Vice President.




Facebook Comments