Manila, Philippines – Tama para kay Senate President Tito Sotto III, ang hindi pagsuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isinusulong na medical marijuana.
Umaasa si Senator Sotto na hihinto na ang mga nagpupumilit na maging legal ang pagtatanim ng marijuana sa bansa at pagtatayo ng research institution para pag-aralan ang paggamit nito bilang medisina.
Ayon kay Sotto, malaki ang magagastos sa nasabing hakbang.
Inihalimbawa ni Sotto ang Israel na simula pa noong 1968 ay gumugol na ng malaking pondo sa pagsasaliksik kaugnay sa medical marijuana.
Diin ni Sotto, hindi na kailangang magpasa ng bagong batas dahil sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act ay pinapayagan ang paggamit ng medical marijuana basta ay masunod ang mga nakalatag na kondisyon.
Dagdag pa ni Sotto, may mga nakausap siyang mga doktor na nagsabing may mas magaling na mga gamot para sa epilepsy kumpara sa medical cannabis kaya huwag na sana itong ipilit pa.