Liderato ng Senado, planong humiling muli ng briefing mula sa mga security officials

Manila, Philippines – Ikinokonsidera ni Senate President Koko Pimentel na humiling muli ng briefing sa mga security officials kaugnay sa sitwasyon sa Mindanao, partikular sa Marawi na hindi pa rin binibitiwan ng Maute Terror Group at iba pang lugar na ginugulo ng armadong grupo.

Ang pahayag ni Pimentel ay kaugnay ng pagsapit ngayong araw ng ika isang buwan ng pag-iral ng batas militar sa buong Mindanao.

Ayon kay Senator Pimentel, iaayos nila ang eskedyul para sa panibagong closed door briefing mula sa mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines, Department of National Defense AT National Security Council.


Naniniwala si Pimentel na makabubuting magkaroon sila ng periodic na security briefing bago matapos ang 60 day martial law period para magkaroon sila ng basehan sa pagdedesisyon kalaling humirit ng ekstensyon ng martial law ang Malacanang.

Samantala, sa mga susunod na araw ay babyahe na si Senator Pimentel patungo sa France.

Ayon kay Pimentel, siyam silang senador na inimbitahan ng France pero ang iba ay nauna ng nagtungo sa Europe.

Layunin aniya ng kanilang lakad na mapatatag pa ang relasyon sa pagitan ng France at Pilipinas na daan para maiayos pa ang relasyon naman sa pagitan ng Pilipinas at European Union.

Sabi ni Pimentel, sasamantalahin na rin niya ang pagkakataon upang mapag-aralan ang porma ng gobyerno ng France na parliamentary pero may matatag na Presidente.

Facebook Comments