Liderato ng Senado, suportado ang pagbuwag sa Procurement Service ng DBM

Pabor si Senate President Juan Miguel Zubiri na tuluyan nang buwagin ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Ang suhestyon ng senador ay kaugnay na rin sa report ng Commission on Audit (COA) ukol sa pagpapabili ng Department of Education (DepEd) sa PS-DBM ng overpriced at mabagal na laptops para sa mga public school teacher.

Para kay Zubiri, hindi na kailangan ang PS-DBM dahil may kanya-kanya namang procurement office o Bids and Awards Committee (BAC) ang bawat ahensya ng pamahalaan.


Ang nangyayari aniya ay nagiging pasahan lang ang PS-DBM ng bilyon-bilyong pisong pondo at responsibilidad ng bawat ahensya.

Bukod dito, nagkakaroon pa ng duda na mayroong iregularidad sa ahensya.

Dagdag pa ni Zubiri, malaking kwestyon kung bakit pumayag ang DepEd sa mahal na presyo pero napakabagal naman na laptop na binili ng PS-DBM.

Bago ang kasalukuyang isyu sa overpriced na laptops, matatandaang inimbestigahan din ng Senado ang PS-DBM dahil bumili ito para sa Department of Health (DOH) ng overpriced na medical supplies mula sa Pharmally Pharmaceutical Inc.

Facebook Comments