Liderato ni Senator Pacquiao sa PDP-Laban, mananatili

Tiniyak ni Partido Demokratiko Pilpino-Lakas ng Bayan o PDP-Laban Executive Vice Chairperson Senator Koko Pimentel na magpapatuloy ang pagiging pangulo ni Senator Manny Pacquiao sa partido.

Inihayag ito ni Pimentel kasunod ng nangyaring national assembly ngayong araw ng PDP-Laban sa Pampanga kung saan inihalal ang mga bagong opisyal nito sa pangunguna ni Energy Secretary Alfonso Cusi bilang bagong pangulo ng partido at si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nanguna sa kanilang oath taking.

Giit ni Pimentel, ang nabanggit na pagtitipon na pinangunahan ni Cusi ay hindi umaayon sa patakaran ng partido at hindi kinikilala ng kasalukuyang liderato ng PDP-Laban.


Sa kaniyang mensahe ay inamin ni Pimentel na may kinakaharap na pagsubok ang kanilang partido kaya dapat silang manatiling malakas at magtiwala sa liderato ni Pacquiao.

Tiniyak din ni Pimentel na kanilang pinaglalaban ang boses ng kanilang mga chapter member sa buong bansa na ilang dekada na nilang kasama sa partido.

Inihayag din ni Pimentel na sa ilalim ng pamumuno ni Pacquiao ay magkakaroon sila ng national assembly o convention sa Setyembre bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa halalan at pagpili ng mamanukin sa pagkapangulo.

Facebook Comments