Ligtas at komportableng pagbiyahe ngayong pagdagsa ng mga pasahero sa mga terminal, pinatitiyak ng Senado

Pinasisiguro ni Public Service Committee Chairman Senator Grace Poe na “all systems go” na ang ligtas na pagbiyahe ng ating mga kababayan ngayong inaasahan ang pagdagsa pa lalo ng mga taong magbabakasyon para sa Holy Week.

Ayon kay Poe, ang dagsa ng mga pasahero sa mga bus terminals, seaports at airports tuwing panahon ng Semana Santa ay hindi na bago at taun-taong namang nangyayari kaya walang dahilan para hindi maging handa sa pagkakataong ito ang sektor ng transportasyon.

Giit ni Poe, dapat na agad solusyonan ang mga problema sa paglalakbay ng mga kababayan tulad ng isyu sa overbooking, mahabang pila sa pagbili ng ticket, siksikan at mga nakatayong pasahero sa bus, mga nawawalang bagahe at iba pang kaparehong insidente.


Aniya pa, anumang paglabag sa karapatan ng mga pasahero ay dapat na naaaksyunan salig sa batas at mga regulasyon ng pamahalaan.

Punto ni Poe, marami sa mga kababayan ang hinintay ang pagkakataong ito na makauwi at makasama ang mga pamilya habang ang iba ay mahabang panahon ang ginawang pagtitipid para makabiyahe at makapagnilay-nilay ngayong Semana Santa.

Hiling ng senadora sa mga transportation agency na tiyaking hindi mahihirapan ang mga pasahero at mabibigyan sila ng kaginhawaan at kaligtasan sa kanilang paglalakbay.

Facebook Comments