Ligtas at matatag na housing framework, isinulong sa Kamara

 

Isinulong ni OFW Party-list Rep. Marissa Magsino ang paglalatag ng isang komprehensibong housing framework para sa human settlements lalo na sa mga panahong hinahagupit ng kalamidad ang bansa.

Sa inihaing House Bill No. 9973 ay iginiit ni Magsino ang pagkakaroon ng isang framework na magsisilbing gabay o panuntunan sa pagtatayo ng mga matitibay na bahay na magbibigay proteksyon sa kabuhayan ng mamamayan at tutulong sa kanilang pagbangon.

Paliwanag ni Magsino, dahil sa geo-climatic condition sa bansa ay hindi maiiwasan na palaging may nawawalan ng tirahan kapag may tumamang bagyo o lindol o ibang kalamidad sa bansa.


Tinukoy ni Magsino na kadalasan ay mga mahihirap ang nabibiktima dahil ang kanilang mga tirahan ay gawa sa ‘substandard’ o mahinang klase ng materyales.

Inaatasan naman ng panukala ang Department of Human Settlements and Urban Development katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga komunidad sa pagbuo ng naturang housing framework.

Facebook Comments