
Iginiit ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang kahalagahan na matiyak na ligtas at sustainable ang relocation sites na lilipatan ng mga residente na apektado ng mga kalamidad at development projects.
Binigyang-diin ni Tolentino na hindi sapat na mailipat lamang ang mga residente mula sa hazard zones sa ligtas na lugar.
Ipinunto ng senador na dapat ay nasisiguro rin na ang mga pangunahing pangangailangan ng mga tao ay natutugunan tulad ng trabaho at paaralan.
Inihalimbawa ni Tolentino ang pinasinayaan niya noong 2023 na housing project sa Talisay, Batangas kung saan 450 na pamilya na biktima ng pagputok ng Bulkang Taal noong 2020 ang nabigyan ng pabahay na bukod sa tiniyak na malayo na sa danger zone ay mayroon pang paaralan at barangay na tumutugon sa pangangailangan ng mga residente.
Isinusulong din ng mambabatas ang housing projects sa mga residente ng Barangay Mauraro, Guinobatan, Albay na apektado ng patuloy na volcanic activity ng Bulkang Mayon gayundin sa Cagayan de Oro at Manggahan Floodway sa Pasig.