
Umapela si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa pamahalaan na magsilbing “wake-up call” ang nangyaring malakas na lindol sa Myanmar.
Ayon kay Pimentel, ang nangyaring malakas na pagyanig sa Myanmar at ang pagbagsak ng Isabela bridge ay dapat maging hudyat para i-reassess o muling suriin ang paghahanda sa kalamidad at ang katatagan ng mga imprastraktura sa bansa.
Ipinunto ng mambabatas na silipin ang status ng mga pampublikong imprastraktura tulad ng mabusising evaluation sa kalidad ng pagkakagawa ng mga construction projects nang sa gayon ay matiyak na kakayanin nito ang lindol na may lakas na intensity 7 at higit pa.
Iginiit ni Pimentel na kailangan ngayon na paghandaan ang lindol lalo’t napakaraming fault lines sa Pilipinas tulad sa Marikina at Metro Manila.
Hinimok din ng senador ang mga awtoridad na magsagawa ng infrastructure audits, tiyakin na napapatupad ang mahigpit na building standards at mag-invest sa disaster resilience programs para mapangalagaan ang publiko sa mga nagbabadyang kalamidad.
Pinagsasagawa rin ng mambabatas ang mga lugar ng regular na earthquake drills upang mabawasan ang mga casualties at matiyak ang mabilis na pagresponde tuwing may emergencies.