Indonesia – Nakauwi na sa kaniyang pamilya ang isang Indonesian teenager matapos magpalutang-lutang sa karagatan ng apatnaput-siyam na araw.
Ayon sa Indonesian Foreign Affairs Ministry, nasa maayos na kalagayan si Aldin Novel Adilang matapos tangayin ng malakas na hangin ang kaniyang rompong o isang fishing trap na mukhang maliit na kubo at karaniwan ginagamit para makapanghuli ng isda sa North Sulawesi, Indonesia.
Trabaho ni Novel na ilawan ang rompong na nakapatong sa mga buoy o mga floater. Nakatali naman sa pamamagitan ng lubid ang rompong sa mga pabigat na nasa ilalim ng dagat.
Dahil sa malakas na hangin, napatid ang tali ng rompong ni Novel noong kalagitnaan ng Hulyo at nadala siya sa karagatan.
Nailigtas lamang si Novel matapos siyang makita ng mga tripulante ng MV Arpeggio noong Agosto 31.
Sa Yamaguchi prefecture sa Japan ibinaba ang 19-anyos bago siya dinala sa Indonesian Consular office sa Osaka.