Pinag-aaralan nang tanggalin ng Facebook ang ‘likes’ sa mga posts para mabawasan at maiwasan umano ang pressure na nakukuha ng mga nagpopost sa social media.
Ayon sa may-ari ng Facebook at Instagram, nakikita raw nila ang nagiging epekto nito sa kanilang mga users.
Nagiging sukatan na raw ang dami ng likes at reactions ng mga netizens sa mga nababasang post online, kaysa ang ituon ang atensyon sa nilalaman ng mismong post.
Natatandaang nagsimulang magkaroon ng ‘like button‘ ang facebook noong 2009 para raw mas maihayag ng isang user ang kanyang opinyon sa isang post.
At nito lamang 2016 ay naidagdag ang ‘reactions button’ kung saan may mga emoticon na gaya ng love, haha, wow, sad, at angry.
Dito mas marami ang nahumaling sa paggamit ng isa sa pinakapopular na social media.
Ayon sa isang facebook user, aminado daw siyang apektado tuwing hindi napapansin ang kanyang mga posts.
Iniisip raw niya kung may malaswa ba sa kanyang suot o hindi lang ba active ang kanyang mga fb friends.
Saad naman ng isang eksperto, ang pagkahumaling daw sa mga likes ay natural na reaksyon ng utak ng tao kaya normal din na hahanap-hanapin ito lalo na ng mga mahilig magpost.
Sabi naman ng isang psychiatrist,“Yun yung nakaka-adik. Kasi its like that high feeling you know that happy feeling. So nakukuha nila with number of likes they get so halimbawa in real life you’re not getting that affirmation or that acceptance you long for, halimbawa sa friends mo or sa family mo. pero you get that escape from the internet so get that with your Facebook.”
Ayon pa sa isang propesor, marami na raw ngayon ang nakadepende na sa social media ang ginagawang tungkulin sa tunay na buhay.
Inaasahan naman na makakatulong ang magiging hakbang sakaling makapagdesisyon man ang may-ari ng naturang social media.