Manila, Philippines – Isusunod na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Manila Bay Rehabilitation Project.
Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, target nilang linisin ang Manila Bay para buhayin ang swimming activities doon.
Base aniya sa pag-aaral ng mga eksperto, masyadong mataas ang coliform content ng tubig sa Manila Bay kaya delikado ito sa kalusugan ng mga tao.
Bukod sa industrial wastes, lumilitaw sa pag-aaral ng DENR na masyadong mataas ang fecal coliform sa nasabing lawa.
Sa kalagitnaan ng buwan ng Enero ay inaasahang sisimulan ang rehabilitasyon ng Manila Bay.
Isang dekada na ang nakalilipas nang maglabas ng mandamus ang Supreme Court (SC) sa labing tatlong ahensya ng pamahalaan na dapat ay magtulong-tulong para sa pagsasaayos ng kondisyon ng tubig sa Manila Bay.
Bago ang rehabilitasyon sa Manila Bay ay uunahin munang alamin ng DENR ang mga estero na posibleng pinagmumulan ng dumi na dumidiretso sa nasabing karagatan.