Nai-deliver na at dumating sa Clark Air Base sa Pampanga kahapon ang pangalawang batch ng mga Blackhawk Utility Helicopters na binili para sa Philippine Air force mula sa Poland.
Ayon kay Philippine Air Force Spokesperson Lt. Col. Maynard Mariano, ang pangalawang batch ay lima pang Blackhawk Utility Helicopters habang ang unang anim na utility helicopters ay dumating sa bansa mula Poland nitong bago matapos ang taong 2020.
Nakatakda namang dumating ang huling batch na lima pang Blackhawk Utility Helicopters bago matapos ang taong ito.
Ayon pa kay Mariano ang Black Hawk ay isa pinakamagandang klase ng helikopter dahil ito ay multi-mission utility helicopters na kayang gamitin kahit sa anumang uri ng misyon.
Aniya pa ang karadagdang lima pang helikopters ay malaking tulong sa AFP para mas mapabilis ang pagbibigay-serbisyo lalo na ngayong may pandemya kung saan magagamit ang mga blackhawk helikopters sa pag-transport ng mga bakuna at PPE sa mga malalayong lugar katulad ng Batanes, Bicol at iba pang panig ng bansa.