Hiniling na ni Senator Jinggoy Estrada sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na paimbestigahan ang limang pinapaburang kompanya na suppliers ng Department of Education (DepEd) para sa IT at computer.
Sa liham na may petsang October 7, 2022 na ipinadala ni Estrada kay BIR Commissioner Lilia Guillermo ay hinihiling ng senador na silipin ng ahensya ang napaulat na “favored suppliers” ng DepEd dahil sa posibleng mga paglabag sa National Internal Revenue Code.
Nakasulat din ang pangalan ng limang kompanyang madalas na nakakakuha ng kontrata para sa IT at computer supplies ng DepEd, ito ay ang:
– Advance Solutions Incorporated o ASI
– Columbia Technologies, Inc.
– Reddot Imaging Philippines, Inc.
– Techguru Incorporated
– GirlTekki, Incorporated
Natanggap naman ng BIR ang liham ng senador nitong October 11.
Bago ito ay sinulatan din ni Estrada si dating Commission on Audit (COA) Chairperson Jose Calida para imbestigahan ang limang kompanya.
Matatandaang nausisa ni Estrada ang limang favored suppliers sa gitna ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa pagbili ng DepEd ng mga overpriced na laptops sa pamamagitan ng Procurement Service ng Budget Department.