Grounded ang lahat ng limang Augusta AW-109 helicopters ng Philippine Navy matapos masangkot sa aksidente ang isa sa mga ito sa Lal-lo, Cagayan nitong nakaraang linggo.
Ayon kay Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Adelius Bordado, ito ay normal na proseso habang iniimbestigahan ang insidente.
Nilinaw naman ni Bordado na hindi nag-crash ang Phil. Navy AW-109 helicopter na may tail number NH435, kundi tumagilid lang habang palapag sa kanyang designated landing zone.
Nagtamo lang aniya ng konting gasgas ang piloto pero lahat ng apat na sakay ng chopper ay dinala sa ospital para sa lang sa routine check-up.
Siniguro ng opisyal ang isang masusing imbestigasyon para malaman ang dahilan ng aksidente, sa tulong ng mga international expert ng Augusta.