Limang probinsya sa Pilipinas ang nakapagtala ng higit sa 20% na COVID-19 positivity rate.
Batay sa datos ng OCTA Research as of July 15, 2022, kabilang dito ang Aklan na nakapagtala ng 31.9% positivity rate, mas mataas sa 26.9% na naitala noong July 9.
Nakapagtala din ng higit 20% positivity rate ang Tarlac na may 27.5%; Pampanga na may 23.5%; Nueva Ecija, 22.9% at Laguna, 22.5%.
Dahil dito mahigpit ang tagubilin ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David sa mga nakatira sa naturang lalawigan na mag-ingat upang maiwasan ang mahawahan ng COVID-19.
Samantala, nasa 12.6% naman ang positivity rate sa Metro Manila, mas mataas kumpara sa naitala noong nakaraang linggo na 10.9%.
Mababatid na itinakda ng World Health Organization (WHO) ang 5% benchmark upang masabi ang isang lugar ay kontrolado ang pagkalat ng COVID-19.