Monday, February 16, 2026

Limang request for assistance mula sa pamilya ng mga Pinoy na na-recruit ng Russia, natanggap na ng DFA

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mayroon silang hawak na limang request for assistance para sa mga Pinoy na na-recruit ng Russia at kasalukuyang isinasabak sa giyera sa Ukraine.

Pero ayon kay DFA Spokesperson Asec. Angelica Escalona, hindi pa nila tiyak sa ngayon kung ilan talaga ang kabuuang bilang ng mga sumasabak sa giyera sa Ukraine na mga Pinoy.

Kaya todo ang paalala ni Escalona sa mga Pinoy na naghahanap ng trabaho na huwag makipagtransaksiyon online kung saan nabiktima ang mga Pinoy na lumalaban sa Ukraine.

Aniya, malaki ang offer na sahod sa mga nire-recruit at mayroon pang sign up bonus kaya nagiging interesado dito ang ating mga kababayan.

Kaya payo ni Escalona, kapag too good to be true o masyadong malaki ang offer na sahod sa aaplayang trabaho lalo na sa online, huwag itong tanggapin.

Samantala, kinumpirma rin ni Escalona na kasalukuyang hawak ng Ukraine ang Pinoy na si Raymon Gumangan na nahuling lumalaban sa ilalim ng Russian Armed Forces.

Una rito, lumabas ang mga balitang isa ring Pilipino ang namatay sa kasagsagan ng giyera sa Ukraine na sinasabing na-recruit din ng Russia.

Facebook Comments