Bibigyang-pagkilala at parangal ng Bulacan Provincial Government ang limang rescuers ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na nasawi habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Karding.
Sa panayam ng RMN Manila kay Bulacan Governor Daniel Fernando, sinabi nito na magsasagawa sila sa Biyernes, September 30, ng misa sa huling lamay ng limang rescuers sa kapitolyo.
Magsisilbi aniya ang limang rescuers na bayani dahil inialay ng mga ito ang kanilang buhay sa pagsisilbi sa kapwa.
Dagdag pa ni Fernando, magbibigay ang Bulacan Provincial Government ng financial assistance sa pamilyang iniwan ng nasawing limang rescuers.
Maski rin siya ay magbibigay ng tulong pinansyal na mula sa sariling bulsa at lubos din aniya siya nagpapasalamat sa pagbuhos ng tulong sa mga nasawi.
Kinilala ang mga nasawi na sina George Agustin, Marvy Bartolome, Narciso Calayag Jr., Troy Justin Agustin, at Jerson Resurecion.