Kinasuhan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at ng Philippine National Police (PNP) ang limang indibidwal na nag-post ng video sa social media ng pagsira sa Philippine currency banknotes.
Inihain ang mga reklamong kriminal sa Quezon City Prosecutor’s Office laban sa hindi pinangalanang social media influencer at apat na TikTokers.
Sa viral videos, makikita ang pagpunit ng social media influencer sa isang 20-peso bill habang isang magician ang binutasan ang 1000-peso bill gamit ang ballpen.
Isa pa sa mga kinasuhan ang lalaking ginawa namang imbudo ang 50-peso bill habang nagsasalin ng krudo sa kanyang motorsiklo; isang babae na nagdikit ng isandaang piso sa plastic basketbill rim gamit ang stapler at isa pa na ginamit na pamunas sa sapatos ang dalawang 500-peso bill saka itinapon sa lupa.
Nahaharap sila sa mga kasong paglabag sa Presidential Decree No. 247 o “Prohibiting and Penalizing Defacement, Mutilation, Tearing, Burning or Destruction of Central Bank Notes and Coins” at sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act.