Tuesday, February 3, 2026

Limang taong rehistro ng mga bagong sasakyan, aprubado na ni PBBM

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawig sa limang taon ng bisa ng rehistro ng mga bagong sasakyan, mula sa dating tatlong taon.

Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Claire Castro, inilatag ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez ang panukala sa pulong kay Pangulong Marcos sa Malacañang nitong umaga.

Maglalabas ang DOTr ng memorandum para sa pinalawak na validity ng rehistro ng mga bagong sasakyan, kasunod ng pag-apruba ng pangulo.

Tinalakay rin sa pulong ang mga programang layong pagaanin ang biyahe ng publiko.

Kabilang dito ang rehabilitasyon ng MRT-3 Quezon Avenue Station, pagpapatupad ng cashless payment system sa MRT-3, at paglulunsad nito sa LRT-1 at LRT-2, gayundin ang pag-aayos ng mga Dalian train upang magamit sa MRT-3.

Binigyang-diin ng pangulo na prayoridad ng pamahalaan ang kaligtasan at kapakanan ng mga commuter, sa pamamagitan ng malinis na pasilidad at maaasahang sistema ng tren.

Facebook Comments