Pinadagdagan ni Senator Lito Lapid, ang gastos sa kampanya sa national at local elections sa bansa.
Layunin ng Senate Bill 2460, na inihain ni Lapid na matugunan ang epekto ng inflation sa campaign expenses ng mga kandidato sa pamamagitan ng pagamyenda sa ‘Synchronized National and Local Elections and for Electoral Reforms Act of 1991’.
Sa panukala ay inirerekomenda na itaas ang campaign expense limit sa bawat botante sa mga sumusunod:
– Presidential candidate – ₱50
– Vice President – ₱40
– Senator, district representative, governor, vice-governor, board member, mayor, vice-mayor, councilor, at party-list representative – ₱30
– Political Parties – ₱30
Habang hindi naman pinalitan ang ₱5 na limitasyon sa bawat botante para sa mga independent candidate.
Giit dito ni Lapid, mahigit tatlong dekada na mula nang maisabatas ang Republic Act 7166 at ang tatlo hanggang sampung pisong limitasyon sa campaign expenses kada botante ay wala nang halaga ngayon.
Nagbabala pa si Lapid, na kung hindi i-a-update ang lumang batas ay maghihikayat lamang ito sa mga kandidato at political parties na mag “underreport” o dayain ang ulat nila sa kanilang aktwal na ginastos sa kampanya.