Kasabay ng regular na sesyon ng konseho ng Cauayan City, sinabi ni Atty. De Luna na dapat hanggang 70 lamang ang edad ng pwedeng magpasada.
Ito ay sa kadahilanang marami umano ang mga reklamo sa kanila na hindi na sila sumusunod sa batas trapiko at hindi na rin gaanong naririnig ang mga sinasabi ng pasahero ganun din ang busina ng mga nakasunod o kasalubong na mga sasakyan.
Nagiging sanhi din umano ito ng aksidente sa lansangan dahil sa kalagayan na ng mga matatandang traysikel drivers.
Ayon pa kay Atty. De Luna, wala kasi aniya sa kasalukuyang ordinansa na nagpapatibay sa limitasyon ng edad ng mga maaaring mamasada kung kaya hiniling nito na amyendahan na ang dating ordinansa.
Samantala, hiniling din ni BPLO Head Atty. Sherwin De Luna na huwag nang i-certify ang certificate of accreditation na iniisyu ng Cauayan FESADECO sa mga traysikel drivers and operators dahil marami aniya sa mga kumukuha nito ay mga freelancer na mula pa sa ibang bayan.
Nakatakda naman sa susunod na taon ang pagkuha muli ng mga traysikel drivers ng kanilang accreditation certificate sa City Council alinsunod sa nakasaad sa ordinansa.