Limitasyon sa COVID-19 testing, ipinaliwanag ng isang Kongresista

Nilinaw ni dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo Representative Janette Garin, ang ginagawang limitasyon sa testing sa COVID-19.

Ito ay kasunod na rin, aniy,a ng kanyang mga natatanggap na tawag sa mga kasamahan na nais sumailalim sa voluntary testing matapos magkaroon ng exposure sa mga taong nakasalamuha na may Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.

Giit ni Garin, ang mga walang sintomas ng COVID-19 ay hindi talaga maisasailalim sa testing dahil magiging negative rin ang resulta nito.


Paliwanag ni Garin, na isa ring doktor, ito ay dahil makikita lamang sa testing kit ang antigen ng virus na lumalabas lamang kung may positive symptoms na ang isang pasyente.

Kailangan, aniya, na symptomatic ang isang pasyente dahil dito lamang lalabas ang foreign substance ng virus.

Sinabi pa ni Garin, na kahit may virus na sa katawan ng isang pasyente pero walang ipinapakitang sintomas ng COVID-19, magiging false negative pa rin ang resulta ng test.

Dahil sa limitado lamang ang bilang at para hindi masayang ang mga testing kits sa COVID-19, pinayuhan ang publiko na gawin lamang ito kung may ipinapakita ng sintomas ng sakit ang isang tao.

Facebook Comments