Sa pamamagitan ng Inter-Agency Task Force (IATF) Resolution No. 148-G, inaprubahan ng IATF ang isinusulong ng Commission on Higher Education (CHED) na limited Face-to-Face Classes for All Programs.
Ayon kay Acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles, papayagan ang limitadong face-to-face classes sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert level 1, 2 at 3.
Aniya, magsisimula sa Disyembre ang Phase 1 implementation kung saan ay maaari nang makapagklase nang harapan ang mga estudyante at guro sa higher education sa mga area na nasa Alert Level 2.
Ang Phase 2 implementation period naman mula Enero 2022 ay pinahihintulutan ang mga lugar na nasa Alert Level 3 na makapag-face-to-face classes.
Base sa inaprubahang resolusyon ng IATF, kinakailangang magpatuloy ang phased implementation ng face-to-face classes alinsunod sa Joint Memorandum Circular No. 2021-001 Ng Department of Health (DOH) at CHED.
Kasama naman sa mga dapat sundin sa pagsasagawa ng harapang pagkaklase ay kailangang hanggang 50 porsyento lamang ang kapasidad ng silid-aralan, may pahintulot ng Local Government Unit (LGU) sa pagsasagawa ng face-to-face class habang ang mga lalahok na estudyante at guro sa nasabing set-up ay kailangang fully vaccinated maging ang mga non-teaching personnel.