Kinokonsidera ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagsasagawa ng limitadong face-to-face classes sa lahat ng kurso sa mga pamantasan na nasa low risk areas at mga lugar na may high vaccination rates.
Ayon kay CHED Chairman Prospero de Vera, posible ang pagbabalik ng limitadong face-to-face classes sa lahat ng kurso lalo’t higit may mga pamantasan na halos lahat ng faculty member ay nabakunahan na kontra COVID-19.
Aniya, 73% ng mga faculty at staff mula sa 1,488 unibersidad at kolehiyo sa Pilipinas ang nabigyan na ng COVID vaccine.
“Kung papayag ang local government, kung mataas na ang vaccination rate doon sa area, mababa naman ang classification nila as far as COVID is concerned, baka papayagan na natin pagdating sa mga susunod na buwan ang mga eskuwelahan na magli-limited face-to-face in all their degree programs as long as they abide by the guidelines and they are inspected. So magiging dalawa ‘yung ating limited face-to-face – by degree program and possibly by geographic area. Iyon ang ating pinag-aaralan ngayon.” pahayag ni De Vera
Sa ngayon, 30 kurso na ang pinayagang magbalik sa limitadong face-to-face classes kabilang ang mga kursong may kaugnayan sa medicine at allied health services.