Limitado pa rin ang seating capacity sa mga public utility vehicle (PUV) batay na rin sa mga umiiral na health protocols.
Ginawa ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Dionardo Carlos ang paalala sa harap ng hindi pagpapatupad ng “no vaccine, no ride policy” sa ilalim ng COVID-19 Alert Level 2 sa National Capital Region (NCR) at iba pang mga lugar.
Ayon sa PNP chief, patuloy pa ring babantayan ng PNP ang pagsunod ng mga PUV sa limitadong bilang ng mga pasahero.
Inaasahan aniya ng PNP ang pagdami ng mga tao sa mga pampublikong lugar ngayong wala nang age restriction sa mga pinahihintulutang lumabas sa mas mababang Alert Level.
Kaya naman pinalakas aniya ng PNP ang kanilang monitoring upang matiyak na nasusunod pa rin ang minimum public health standards.
Paalala ni Gen. Carlos sa publiko, huwag maging kampante sa kabila ng pagluluwag sa mga restriction, para maiwasang maulit ang “surge” ng COVID-19 cases na naranasan nitong unang nagbaba ng Alert Level sa NCR at iba pang lugar.