Manila, Philippines – Iginiit ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na ginagawa lamang na dahilan ng Department of Energy ang sunud-sunod na lindol sa Batangas kaya nakukulangan ngayon ng suplay sa kuryente.
Ito ay matapos na mailagay sa yellow power alert ang Luzon Grid kung saan ang reserve power dito ay mas mababa pa sa 647 megawatts level at ngayon ay nakakaranas naman ng brownout ang Luzon matapos na mailagay ito sa red power alert ngayon lang hapon.
Giit ni Zarate, ang pagbaba ng power supply ay bunsod ng pagpayag ng DOE na magshutdown ang mga power plants.
Ang sunud-sunod na shutdown ng mga planta ang siyang tunay na dahilan ng pagnipis ng suplay ng kuryente at nadagdagan pa ang pagiging kritikal ng suplay ng enerhiya matapos ang mga naranasang paglindol sa ibang bahagi ng Luzon.
Hindi aniya sana ginawa ang simultaneous maintenance shutdown sa mga power plants dahil talagang magreresulta ito sa lalong pagbaba ng suplay ng kuryente.
Nababahala si Zarate na may dahilan na ngayon ang DOE at mga electric companies na magtaas ng singil sa kuryente.
Dagdag pa ni Zarate, tuwing summer na lamang ay palaging sinasabi na kritikal ang suplay ng kuryente pero hindi naman natututo ang DOE na huwag payagan ang sabay sabay na maintenance shutdown sa mga power plants.
Nation”