Lingguhang clean-up drive sa Manila Bay, ipinag-utos ng DILG

Manila, Philippines – Iniutos ni DILG Secretary Eduardo Año sa mga Local Government Units (LGUs) at mga barangays sa paligid ng Manila Bay watershed area na magsagawa ng lingguhang paglilinis bilang suporta kaugnay ng rehabilitation ng Manila Bay na magsisimula bukas, January 27.

Sa DILG Memorandum Circular no. 2019-09, minamanduhan ang nasa 178 LGUs at 5,714 barangays na gampanan ang kanilang mga responsibilidad alinsunod sa umiiral na mga environmental laws.

Ayon pa kay Año, sa ilalim ng Section 20 ng Philippine Clean Water Act of 2004, kahati ang mga LGUs sa responsibilidad sa pangangasiwa at pangangalaga ng water quality sa kanilang nasasakupan.


Nakasaad din sa kautusan na pangunahan ng mga opisyal ng barangay ang paghikayat at pagpapairal ng disiplina para sa maayos na pagtatapon ng mga basura sa kanilang lugar sa halip na ihagis ito sa katubigan ng Manila Bay.

Dapat na tiyakin ng mga punong barangays na maipapatupad ang maayos na segregation, collection at disposal ng mga basura sa kanilang komunidad.

Maari namang makatuwang dito ng LGUs at mga barangays ang mga volunteers, mga non-government organizations (NGOs), mga civil society organizations at academe.

Facebook Comments