Ipatutupad ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang temporary liquor ban sa buong lungsod sa kasagsagan ng dineklarang State of Calamity dahil sa banta ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Pinirmahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang executive order na nagsasaad na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta at distribusyon ng anumang nakakalasing na inumin tulad ng beer, alak at wine simula ngayong araw.
Alinsunod ito sa General Welfare Clause na napapaloob sa Local Government Code of 1991, ang mga lokal na pamahalaan ay maaaring magpatupad ng mga emergency measures sa panahon ng krisis o kalamidad.
Ikinadismaya ni Domagoso ang patuloy na pag-labag ng ilan sa social distancing at sa curfew na ipinapatupad ng lungsod dahil sa pagtitipon at inuman sa labas ng tahanan.
Binalaan din ni Mayor Isko, ang mga negosyanteng lalabag sa liquor ban ay may kakaharaping karampatang parusa.
Nanawagan din ang alkalde sa lahat ng Manileño na intindihin ang sitwasyon at alalahanin ang kapwa sa panahon ng krisis sa bansa.