Liquor ban, muling ipinatupad sa Navotas

Simula kahapon ay muling ipinatupad ng lokal na pamahalaan ng Navotas ang liquor ban.

Sa abisong inilabas ni Mayor Toby Tiangco, salig sa City Ordinance No. 2021-18 ay ipagbabawal muna ang pagbebenta, pagbili at pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar sa lungsod habang umiiral ang community quarantine.

Iginiit ni Tiangco na kapag “inuman” ay madalas hindi nasusunod ang safety protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, social distancing, at hindi pagsasalo-salo sa pagkain, baso, at mga kubyertos.


Babala pa ng alkalde, hindi dahil mukhang malakas at walang sintomas ang kainuman ay hindi na ito carrier ng virus.

Ang mga lalabag sa liquor ban ay pagmumultahin ng P1,000 at/o isang araw na pagkakakulong sa first offense, P3,000 at/o limang araw na pagkakakulong sa second offense at P5,000 at/o 10 araw na pagkakakulong sa third offense.

Facebook Comments