Lisensya ng driver na nambangga ng estudyante sa Teresa, Rizal, sinuspinde na ng LTO; estudyante, inisyuhan din ng show cause order

Sinuspinde na ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw ang lisensya ng driver ng electric vehicle na sangkot sa nangyaring road rage sa Teresa, Rizal nitong Martes, October 7.

Matapos ngang banggain at makaladkad nito ang isang estudyanteng sakay ng motorsiklo.

Ayon sa inilabas na show cause order ng LTO, pinapaharap ang nakabanggang driver sa kanilang tanggapan bukas upang magpaliwanag kung bakit hindi dapat siya sampahan at hindi ma-revoke ang kaniyang lisensya.

Samantala, haharap din sa LTO ang estudyante matapos hainan din ng show cause order dahil sa hindi pagsusuot nito ng helmet at pagmamaneho ng walang lisensya.

Ayon kay Department of Transportation Acting Secretary Giovanni Lopez, hahayaan na nila ang LTO pagdating sa imbestigasyon ng paglabag sa batas trapiko habang tutulungan naman nila na magsampa ng kaso ang pamilya ng biktima dahil aniya walang walang lugar ang abusado at iresponsableng driver.

Matatandaang personal na binisita ni Lopez ang biktima sa bahay nito sa Teresa, Rizal kung saan nakita nito ang tinamong sugat ng menor de edad at pinaalalahan din niya ang magulang na huwag muna itong payagang magmaneho dahil wala pa itong lisensya.

Facebook Comments