Lisensya ng driver na umararo sa 15 sasakyan sa Makati, binawi ng LTO

Kinansela ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya sa pagmamaneho ng driver ng bus na umararo sa labing limang sasakyan sa Makati noong Biyernes.

Ayon kay Ret. Col. Rolando Abelardo, Deputy Law Enforcement Service ng Land Transportation Office, wala nang karapatang magmaneho ang driver na si Marlon Nacaytona ng Pitbull Bus Transport Corporation.

Ito’y matapos magpositibo sa paggamit ng droga base sa isinagawang drug test ng Makati Traffic Police.


Labing isang katao ang sugatan nang mangyari ang insidente sa Antonio Arnaiz Avenue Brgy. Pio del Pilar.

Sa paliwanag naman ng driver, sinabi niya na nawalan ng preno ang kaniyang bus.

Magtutungo sa Makati City si Col. Abelardo at ilang mechanical expert ng LTO upang alamin kung nawalan nga ng preno ang minamanehong bus.

Dalawang taon ang ipinataw ng LTO laban kay Nacaytona na hindi pwedeng kumuha ng driver’s license.

Facebook Comments