Inilabas ng Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang listahan ng mga barangay na delikado para sa base surges, volcanic tsunamis, at ballistic projectiles kapag nagkaroon ng magmatic eruption ang Taal Volcano.
Ang bulkan ay nananatiling nasa state of continuous unrest mula sa phreatic o steam-driven eruption nito noong Linggo.
Ayon sa Phivolcs ang base surge o horizontal eruption ay pinakanakamamatay na epekto kapag sumabog ang bulkan.
Nasa 21 barangay sa Agoncillo, lima sa Alitagtag, 11 sa Balete, tatlo sa Cuenca, 19 sa Laurel, 35 sa Lemery, 4 sa Lipa City, anim sa Malvar, lima sa Mataas na Kahoy, 18 sa San Nicolas, 10 sa Santa Teresita, 37 sa Taal, 21 sa Talisay, at 17 sa Tanauan City ang posibleng maapektuhan ng base surge.
Maliban dito, posible ring magdulot ng isa hanggang tatlong metrong taas na volcanic tsunami ang pagsabog ng bulkan.
Nasa 14 na barangay sa Agoncillo, apat sa Alitagtag, 11 sa Balete, tatlo sa Cuenca, 17 sa Laurel, anim sa Lemery, apat sa Lipa City, Tatlo sa Malvar, apat sa Mataas na Kahoy, 13 sa San Nicolas, tatlo sa Taal, walo sa Santa Teresita, 18 sa Talisay, 15 sa Tanauan City at walo sa Tagaytay City ang posibleng maapektuhan ng volcanic tsunami.
Sinabi rin ng Phivolcs na lumilikha rin ang bulkan ng ballistic projectiles o nagbubuga ng malalaking bato.
Nasa apat na barangay sa Agoncillo, isa sa Balete, dalawa sa Cuenca, 14 sa Laurel, dalawa sa San Nicolas, apat sa Talisay, at isa sa Tanauan City ang posibleng tamaan ng ballistic projectiles.
Sa ngayon, nananatili sa alert level 4 ang Bulkang Taal at pinangangambahan ang isang malakas na pagsabog.