Listahan ng mga OFW na negatibo sa COVID-19, inilabas na ng PCG

Naglabas ang Philippine Coast Guard (PCG) ng listahan ng mga pangalan ng mga Pilipinong nag-negatibo sa COVID-19 test na nasa bawat quarantine facility at maaari nang umuwi sa kanilang lalawigan.

Ayon sa PCG, laman ng master list ang mga pangalan ng 36,832 na indibidwal kabilang ang OFWs, Filipino seafarers at iba pang mga Pinoy na bumalik ng bansa.

Ang mga ito ay sumalang sa RT-PCR test na isinagawa ng Sub-Task Group for the Repatriation of OFWs kung saan maaaring makita ang nasabing master list sa social media page ng PCG.


Nabatid na pinagsama-sama na sa nasabing master list ang lahat ng pangalan ng OFWs na idineklarang negatibo sa COVID-19, alinsunod sa resultang inilabas ng PCG noong May 24 hanggang May 27, 2020.

Pinayuhan ng Coast Guard ang mga OFW na sa sandaling makita ang kanilang pangalan sa nasabing listahan ay agad na makipag-ugnayan sa PCG o sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) personnel sa mga quarantine facility upang maproseso ang kanilang pag-uwi sa kani-kanilang mga probinsya.

Facebook Comments