Nasa finalization phase ang ikatlong round ng assessment para sa mahihirap na pamilya sa bansa o Listahanan 3.
Ang Listahanan o National Household Targeting System for Poverty Reduction ay isang information management system na layong magtatag ng database ng mga mahihirap na pamilya na magsisilbing batayan sa pagtukoy ng mga benepisyaryo sa iba’t ibang social protection programs.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Spokesperson Irene Dumlao, kinukumpleto na nila ang proseso at inaalam kung sinu-sino ang mga mahihirap na pamilya sa bansa at ang mga nararapat na mabigyan ng ayuda.
Layunin ng Listahanan na mapabilis ang pagtukoy sa mga benepisyaryo at mapadali ang pamamahagi ng anumang uri ng tulong para sa kanila.
Posible rin aniya na magkaroon ng “automated list” para mapabilis ang distribusyon ng ayuda sa low-income at vulnerable sectors.
Nitong Marso, ang DSWD ay nakapag-assess na ng higit 14.4 million na mahihirap na pamilya sa buong bansa, mula sa target na 16.1 million households.