Pagsuko ng mga NPA sa Norte, Sunod Sunod Na

Santa Cruz, Ilocos Sur- Tatlo pang karagdagang NPA ang tumalikod na sa kanilang kilusan.

Sa kalatas na ipinaabot ng 7ID sa RMN Cauayan News Team, ang mga dating rebelde ay sumuko sa 81st Infantry (Spartan) Battalion, 7th Infantry (Kaugnay) Division, Philippine Army noong Linggo, Pebrero 18, 2018 sa kanilang headquarters sa Sta. Cruz, Ilocos Sur.

Ayon sa militar, dulot ng pagiging masigasig ng 81st Infantry Battalion sa ilalim ni LtCol Charles DZ Castillo INF (GSC) PA ay isang kasapi ng NPA na kinilala sa pangalang “Manoy” ang sumuko dala ang isang Cal 30 Springfield M1 Garand Rifle.


Si “Manoy” ay kasapi ng NPA Group na gumagalaw sa tri-boundaries ng Abra, Mountain Province at Ilocos Sur.

Isa namang militiang bayan (MB) na kinilala sa pangalang “Kaloy” ang sumuko dala ang isang Colt M16A1 na baril na may short magazine.

Kasama ni “Kaloy” ay isang pinangalanang “Kara” na may dalang Cal 30 Springfield M1 Garand Rifle.

Sina “Kaloy” at “Kara” ay mga kasapi ng Militiang Bayan na ginagamit ng NPA sa Tubo, Abra. Ang tatlo ay pawang mga residente ng Manabo, Tubo, Abra.

Magugunita na nitong Enero 15, 2018 ay natanggap ng pitong mga dating rebelde na sumuko sa huling kuwarto ng 2017 ang kabuuang P691,000.00 mula sa Comprehensive Local Integration Program (CLIP) sa Ilocos Sur Provincial Capitol sa Vigan City na pinangunahan ni Governor Ryan Luis Singson.

Ayon pa sa militar, mayroon nang 22 na mga dating rebelde ang nakatamasa sa CLIP na inasistehan ng 81IB mula Pebrero 2017.

Magugunitang limang tagasuporta naman ng New Peoples’ Army ang sumuko sa 17 th IB ng 5ID sa Rizal, Cagayan noong Pebrero 10, 2018.

Facebook Comments