CAUAYAN CITY – Pinagtutuunan ng pansin ng Person with Disability Affairs Office (PDAO) sa Lungsod ng Cauayan ang pagbibigay ng livelihood assistance para sa mga Persons with Disabilities (PWDs) bilang bahagi ng kanilang layuning mapalakas ang kakayahan ng sektor na ito.
Sa isang panayam ng IFM News Team kay PDAO Head Jonathan Galutera, inilahad niyang magsisimula na ang pagsasagawa ng assessment upang matukoy ang mga kwalipikadong benepisyaryo na maaaring mabigyan ng tulong pangkabuhayan mula sa Lokal na Pamahalaan ng Cauayan.
Ayon kay Galutera, magtutungo ang kanilang grupo sa bawat barangay upang suriin ang mga PWDs na maaaring mapabilang sa programa.
Ang tulong pangkabuhayan ay iaayon sa pangangailangan at kakayahan ng benepisyaryo, tulad ng mga kagamitan para sa pagbebenta ng tinapay, pagkain, o iba pang produkto.
Dagdag pa niya, ang proyektong ito ay binibigyang suporta ng City Government of Cauayan, bukod pa sa pondo na nakalaan para sa mga PWDs.
Ang ganitong inisyatibo ay naglalayong magbigay ng oportunidad sa mga PWDs na mapaunlad ang kanilang kabuhayan at maging aktibong bahagi ng komunidad.